Batang higit 1-taong-gulang, Nasawi sa palo umano ng sariling ina na 18-anyos

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang bata na nasawi at nagtamo ng mga pasa at sugat matapos umanong paluin ng patpat ng kaniyang ina na 18-anyos sa Taguig City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing nangyari sa kanilang tahanan sa Barangay Upper Bicutan pasado 6 p.m. ng Martes.

“Doon po sir sa taas nangyari ‘yon. Hindi ko po alam kasi hindi naman nagsasalita ‘yung anak ko sa akin. Bigla na lang po akong nagulat may tumawag na pong taga-center na sabi wala na po ‘yung apo ko,” sabi ng lola ng batang biktima at ina.

“Sabi lang po niya na pinalo-palo lang daw niya,” kuwento pa niya.

Hindi pa lumalabas ang awtopsiya sa labi ng bata pero lumabas sa imbestigasyon na hindi bababa sa 10 marka ng pasa at sugat ang nakita sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumilitaw na nairita umano ang ina sa pag-iyak ng kaniyang anak. Hindi rin umano iyon ang unang beses na sinaktan ng ina ang kaniyang anak.

“Mainit na po talaga ang dugo ng anak ko roon sa apo ko, sa pangalawang anak niya, kasi wala pong tatay din ‘yan,” anang lola ng biktima.

“Kung titingnan natin bata pa siya sa kaniyang edad, meron na siyang tatlong anak. Pangalawa, wala siyang trabaho, wala siyang hanapbuhay na regular. Kaya ‘yun ang nagtulak na naaaburido siya. Konting ano lang naiirita siya sa mga anak niya,” sabi ni Police Colonel Celso Rodriguez, Chief of Police ng Taguig. Nasa kustodiya na ng Taguig Police at kinasuhan na ng parricide ang ina, na walang pahayag sa pangyayari.

Facebook Comments