October 27, 2021

Good samaritan, nag-viral matapos tulungan ang lolo’t lolang naglalako ng asin sa daan

Tanghaling tapat noong nadaanan ng motorcycle vlogger na si Robert Jaworski “Jawo” Salonga ang mag-asawang senior citizens na nagpapadyak ng bike na may sidecar sa may kahabaan ng Alabang-Zapote Road sa Las Piñas.

Edad 75 na si lola habang 65 anyos naman si lolo. Kasama ng mag-asawa ang kanilang apo habang naglalako ng asin sa Las Piñas upang may maipambili ng bigas.

Minsan daw ay basahan at face shield ang binibenta ni lola. Ipinanghihiram niya ang puhunan para magkaron ng kita pangkain.

Pinakyaw ni Jawo ang asing itinitinda ng senior citizens, at nang iabot na sa kaniya ay muling ibinigay sa mag-asawa upang maibenta pa nila kinabukasan. Ang asin ay nagkakahalagang Php 25 kada balot.

Ibinahagi ni Jawo ang kaniyang vlog na ngayo’y may mahigit na sa 1 million views.

“Medyo matanda nga po sina nanay at tatay pero nasa tirik pa rin po ng araw, naglalako pa rin sila kahit ganun ‘yung sitwasyon, kahit pandemic. Tapos may kasama pong bata, medyo delikado na po sa kanila at sa health po nila,” ani Jawo sa isang panayam.

“May makakita man po sa kanilang naglalako, sana ubusin n’yo na po ‘yung paninda nila nanay at tatay para makapagpahinga na po sila ng mas maaga,” udyok ng vlogger.