October 26, 2021

Grade 11 student, pursigido sa pag-aaral habang namamasada ng tricycle

Marami mang pagsubok ang dinadanas ng bansa dahil sa pandemiya, matyaga pa ding pinagsasabay ni Michael Jabal ang pamamasada ng tricycle at ang kaniyang pag-aaral bilang Grade 11 student.

Napahanga ang MMDA traffic enforcer na si Markiel Monreal noong mapansin niya ang 21-anyos na binata sa terminal ng tricycle sa Congressional Avenue na may hawak na yellow pad at ballpen.

Biniro pa umano ni Monreal si Michael. Kwento niya, “Sabi ko, ‘Parang magpapataya ka ata.’ Sabi niya, ‘Hindi, online ‘to gagawa akong assignment.”

Sa isang interbyu, naihayag ni Michael ang pangarap niyang maging pulis o sundalo balang araw. Ang mga magulang niya ay parehong nasa Aklan at matanda na, kaya’t siya ang bumubuhay at nagpapaaral sa kaniyang sarili.

Dahil sa pandemiya, minsan ay nasa PhP 200 lamang umano ang kinikita ng binata sa maghapon. Kahit pa ganoon ay patuloy si Michael sa pagpursigi.

“Habang nagkaklase po ako namamasada po ako. Kapag may time po na wala pong pasahero sumasagot po ako sa mga assignment ko,” aniya.

Kinuhanan ni Monreal si Michael ng video at ipinost sa social media upang magsilbing inspirasyon sa mga kabataang hirap din sa online class.

“Nakaka-amaze naman itong batang ito kasi sa kabila ng nararanasang kahirapan sa buhay nakukuha niyang pagsabayin ‘yung online class then namamasada po siya,” batid ng enforcer.