September 24, 2021

Misis na nakawala umano sa mister, ginulat ang marami sa kanyang glow-up na mga larawan

Agaw eksena sa social media ang mga larawan ng misis na si “Michelle” dahil sa kanyang mga glow-up pictures.

Nalaman na hindi pa man naipalalabas ang kwento niya sa Kapuso Mo,Jessica Soho ay marami na ang namangha sa pagbabago niya.

Kwento ni Michelle, mapang-abuso ang kanyang mister sa kabila ng pag-aalaga niya sa anim nilang mga anak.

At nang dumating sa punto na pati ang kanilang mga anak ay nadadamay, umisip na talaga siya ng paraan para makawala.

Nabola niya umano ang mister at sinabing siya ay mangingibang-bansa upang maging maayos ang kanilang pamumuhay.

Pumayag naman daw ito na siyang naging hudyat ng pag-alis ni Michelle sa masalimuot niyang relasyon sa asawa.

Inihabilin niya ang anim na mga anak sa kanyang ina. Doon na rin siya nagkaroon ng pagkakataon na baguhin at ayusin ang sarili lalo na ang kanyang buhay.

“May ibang nagsasabi sa akin, nagparetoke raw ako, uminom ng mga gamot pampaganda. Pero ang hindi nila alam, may sikreto ako kung paano mula sa pagiging losyang, nag-glow up na raw ako ngayon,” pahayag ni Michelle.

Bagaman at hindi pa naibunyag ang sikreto ni Michelle, marami ang naglabas ng kanilang mga opinyon kung bakit napakalaki ng pinagbago nito at tila lumabas ang naitatago noon na kagandahan niya.