Natatandaan niyo pa ba ang nurse na tumulong sa panganganak sa isang bangketa

Siya ang 29 anyos na nurse na tumulong sa panganganak ng isang homeless woman sa sidewalk, malapit sa General Estrella Street at Osmeña Highway sa Makati City, noong umaga ng August 18, 2020.

Nagmamadali noon si Lorraine, isang company nurse, na makarating sa kanyang trabaho dahil late na siya.

Habang naglalakad, natiyempuhan si Lorraine ng barangay rescue team na unang rumesponde sa homeless woman na kinilalang si Jeca Mae Rausa, 31.

Wala pa kasing medical personnel na kasama noon ang rescue team para tulungan sa panganganak ang nagli-labor na si Rausa.

Hindi nag-atubili si Lorraine at umaksiyon para tulungan ang homeless woman na nanganganak sa sidewalk.

Suot-suot pa rin ang kanyang itim na backpack, naka-face shield at face mask, inalalayan ni Lorraine ang panganganak ni Rausa.

Isang miyembro ng barangay rescue team ang kinunan si Lorraine na hawak-hawak ang sanggol habang nasa sidewalk.

Ipinost ang mga larawan. Nag-viral si Lorraine at itinuring na kabayanihan ang kanyang ginawang pagtulong.

Umani rin ng pagkilala si Lorraine. Ang parangal ay iginawad ng Health Carousel Philippines, Inc. sa pakikipagtulungan sa DAISY Foundation, noong October 22, 2020.

Facebook Comments