October 27, 2021

Sekyu, hinangaan sa social media matapos tulungan ang estudyanteng nangangailangan ng pera

Hinangaan ng mga netizen ang security guard ng isang pawnshop na si Mariel Bolivar matapos na magbigay ng salapi sa isang estudyanteng kukuha sana ng pera sa remittance center na pinagtatrabahuhan ni Mariel ngunit sarado na ito.

Sa pamamagitan ng Facebook post, kinuwento ni Prince ang kabutihang loob ni Mariel. Nang sabihin kasi ng sekyu na sarado na ang remitance center, tinanong nito ang estudyante kung paano ang iuulam nito, at kung may bigas pa ba na maluluto.

Sinabi naman ng estudyante na okay lang daw dahil isang gabi lang naman, kaya pinabalik na lang siya ng guard sa sunod na araw.

Ngunit hindi nakatiis ang sekyu na tulungan ito dahil habang nakatayo ang estudyante sa tabihan ng pawnshop, nag-abot ito ng pera upang maipambili nito ng pagkain nito.

“Ito oh, bsi wa kat ing ihapnon duna balik mo galing kakun dun pag maging successful ka eon. [Ito oh, tanggapin mo ‘to pang hapunan mo mamaya. Balik mo na lang sakin ‘yan pag naging successful ka na],” sabi ng sekyu sa estudyante.

“Di ko lang alam maging reaction ko. Pero isa lng masasabi ko sayo, isa kang mabuting tao manong Guard. Wala sa halaga ng ibinigay ang naka tulong sakin kundi ‘yung wagas ng pagkatao mo,” ayon sa Facebook post ni Prince.

Kahanga-hanga ang ipinakitang kabutihan ng isang security guard na ito, na bagamat hindi personal na kilala at hindi humihingi ng tulong sa kaniya, nagkusa siyang tumulong na ikinahanga ng marami.